Umarangkada na ang pagbabakuna para sa mga kasama sa A4 category o mga essential workers sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Isinagawa ng national government ang ceremonial vaccination para sa A4 group kaninang umaga sa SM Mall of Asia na dinaluhan ng mga matataas na opisyal.
Sa Navotas City, kasama sa unang binakunahan laban sa COVID-19 ay ang mga empleyado ng Phiippine Fisheries Development Authority, mga tindero at nagtatrabaho sa Navotas Seaport.
Sa Paranaque City naman, isinagawa ang soft launch ng vaccination para sa A4 priority group.
Sinabi naman ng Taguig City government na ipa-prayoridad pa rin nila ang pagbabakuna sa A1 hanggang A3 category pero handa na para sa inoculation ng mga kasama sa essential workers category.
Samantala, sa June 9 naman isasagawa ng Valenzuela ang pagbabakuna sa A4 priority group.
Mababatid na una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na mahalagang mabakunahan ang A4 priority group o ang economic frontliners laban sa COVID-19.
Sinabi rin ng gobyerno na ipa-prayoridad ang pagbabakuna sa mga A4 individuals na nasa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Pampanga, Batangas, Metro Cebu, at Metro Davao.
======
