US officials naghahanda para sa susunod na phase ng pandemya

Inihayag ng mga health officials sa U.S. na naghahanda na sila para sa susunod na phase ng COVID-19 pandemic, sa harap ng pagbaba na ng Omicron-related cases, kabilang na ang pag-update sa mga guidelines ng CDC, hinggil sa pagsusuot ng face mask at pagpapalakas sa testing capacity.

Ang naturang plano ay kasunod ng tumataas na bilang ng mga lugar sa U.S. na nagsimula nang magluwag ng COVID-19 restrictions.

Nabatid na bumaba na ng 40% ang seven-day average ng daily cases mula sa naunang linggo nito, habang ang daily hospital admission average ay bumaba ng 28% at ang average daily deaths ay bumaba ng 9%.

Ayon kay White House COVID-19 Response Coordinator Jeff Zients, ang pinaka-unang prayuridad nila ngayon ay labanan ang Omicron, at sa parehong pagkakataon ay paghandaan ang hinaharap.

Inaasahan naman ng CDC na marami sa revised guidelines ay ilalabas sa huling bahagi ng Pebrero o unang bahagi ng Marso. //MHEL PACIA-TRINIDAD