Kinumpirma ng Department of Health Region 2 na isang local case ang kauna-unang naitalang kaso ng Delta Variant sa Lambak ng Cagayan na mula sa Solano, Nueva Vizcaya.
Ayon sa ahensya, nakaranas ng sintomas ang naturang pasyente noong July 6 gaya ng ubo, makating lalamunan, sipon at hirap sa paghinga at lumabas na positibo noong July 8 matapos sumailalim sa RT-PCR test.
Napag-alaman na isang OFW ang pasyente galing sa Dubai na dumating sa bansa noong June 15 kung saan nagnegatibo naman sa COVID-19 at umuwi sa lalawigan matapos sumailalim sa quarantine.
Inihayag din ng DOH Region 2 na fully recovered na ang pasyente noong July 20 at sa ngayon ay wala naman umanong nararamdamang respiratory symptoms.
Batay pa sa ulat ng kagawaran hindi pa ito nakatanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Kaugnay nito ay nagpapatuloy ang isinasagawang contact tracing ng DOH Region 2 katuwang ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) at lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya upang matukoy lahat ng mga posibleng nakahalubilo ng pasyente.
Hinikayat din ang lahat na mapabakuna bilang karagdagang proteksyon mula sa banta ng COVID-19 at sa mas nakakahawang delta variant.