Tinawag ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Senadora Risa Hontiveros na tila isang ‘one big happy Pharmally’ na ang mga POGO.
Sa isang pahayag, sinabi ni Hontiveros na noong ni-raid ang POGO sa Bamban, Tarlac – marami silang natagpuang mga papeles ng iba’t iba pang POGO.
Isa aniya sa nakita nila ay ang Brickhartz Technologies Inc.
Nang suriin umano nila ang mga incorporators nito – tanging pangalan ni Gerald Cruz ang nag-stand out.
Pamilyar aniyan ang pangalan na ito dahil si Cruz ay ang incorporator din ng Pharmally.
Incorporator din umano si Cruz ng isa pang Full Win Incorporation, kung saan ang chairman nito ay si Michael Yang.
Maliban pa diyan, may isa pa umanong POGO na kapareho ang email sa Brickhartz na sinasabing pagmamay-ari rin ni Yang – na ayon sa senadora ay isang taong napakalapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Hontiveros na mukhang mara-rami pang kabanata ang POGO fiasco.
Umaasa ang mambabatas na sa loob na lamang ng ilang hearing, maisasara na nila ang isyu sa POGO.