Umano’y panghoholdap ng motorcycle taxi rider gawa-gawa lang pala ng nagpost; PNP, pinag-aaralang kasuhan ang babae

Binabawi na ng nag-post ang kwento niya tungkol sa nagholdap sa kanya na isang motorcycle taxi rider.

Inamin kasi ng pasahero na gawa-gawa lang niya ang naturang post at hindi talaga siya nito ninakawan.

Paliwanag ng babae na nagawa lang niya ito dahil hindi niya na gustuhan ang sinabi at kinilos ng rider.

Matatandaan na sinabi noon ng pasahero na lumagpas ang riders sa dapat niyang babaan sa Taguig at dinala siya sa Pasay kung saan kinuha umano nito ang bag niya na may P4,000 at mga ID.

Sinabi ng mga otoridad na gumawa sila ng backtracking kung saan nakita na hindi naman sa Pasay ibinaba ang pasahero dahil nagbyahe pa ang driver matapos maihatid ang babae.

Pinag-iisipan naman ng rider ang pagsasampa ng kaso laban sa pasahero pero dahil sa pagsisinungaling sa kanyang sinumpaang salaysay pinag-aaralan ngayon ng Pasay City Police na kasuhan ang babae.

Sa ngayon hindi pa nakikipag-ugnayan muli ang naturang pasahero sa pulisya.