Sineseryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang natanggap na impormasyon ni Sen. Imee Marcos na may mga hypersonic missiles umano ang China na nakaumang sa Pilipinas.
Sa isang video, sinabi ni Senator Imee, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, na ‘di umano’y mayroong mga misslies ang China na nakatutok sa mga EDCA sites sa bansa.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, makikipag-ugnayan sila kay Sen. Marcos para makakuha pa ng mga detalye sa impormasyong hawak nito.
Aalamin din nila ang detalye sa 25 areas na potential na target ng hypersonic missile dahil sa EDCA sites at sa scenario ngayon sa West Philippine Sea.
Ang hypersonic missile ay mga missile na kayang lumipad ng 5 beses na mas mabilis sa speed of sound , kaya sinasabing mahirap o imposibleng maharang ito ng ibang air defense systems.
Sakaling makumpirma at makakuha na ng impormasyon ang AFP, sinabi ni Padilla na gagawa sila ng naakmang hakbang para protektahan ang Pilipinas.