Bubuo ang Ukraine ng tinawag nito bilang “IT army” para labanan ang digital intrusions ng Russia.
Inihayag ito ni Ukraine Vice Prime Minister Mykhailo Fedorov nitong weekend.
Base sa isang ulat ng Reuters ay pinatawag na ng Ukraine ang hacker underground nito para tumulong sa pagprotekta ng critical infrastructure at magsagawa ng cyber spying missions laban sa Russian troops.
Iginiit ni Fedorov na patuloy silang lalaban sa cyber front.
Inilista naman sa isang Telegram channel ang websites ng 31 malalaking negosyo sa Russia at state organizations kabilang na ang energy giant na Gazprom, ang pangalawang pinakamalaking oil producer ng Russia na Lukoil, tatlong bangko, at maraming government websites.
Una nang naging target ng distributed denial of service (DDoS) attack ang Kremlin.ru na official website ng Kremlin at ng tanggapan ni Russian President Vladimir Putin, na dahilan para mag-offline ito noong Sabado.
Naiulat naman ng researchers sa cybersecurity firm na ESET na may nadiskubreng malicious data-wiping software na kumakalat sa Ukraine noong nakaraang linggo, na dahilan para maapektuhan ang daan-daang computers.
