Prince William ng UK, nagpahayag ng suporta para sa Ukraine

Inihayag nina Prince William ng United Kingdom at ng asawa nito na si Kate na suportado nila ang matapang na pakikibaka ng mga mamamayan ng Ukraine laban sa invasion ng Russia.

Sinabi nina William at Kate sa Twitter na noong October 2020 ay nagkaroon sila ng pribiliheyo na makipagkita kay President Volodymyr Zelenskiy at sa First Lady nito kung saan ay napag-usapan nila ang tungkol sa hinaharap ng Ukraine.

Ngayon aniya, ay tumitindig sila kasama ang Presidente ng Ukraine at ang lahat ng mamamayan nito na matapang na nakikipaglaban para sa nasabing hinaharap.

Mababatid na nakaugalian na sa Royal family na umiwas sa mga malalaking usaping politika, alinsunod sa kanilang Konstitusyon na kailangan nilang manatiling neutral.

Una na rin nagsalita ang nakababatang kapatid ni William na si Harry at ang asawa nito na si Meghan, na kamakailan ay nagbitiw mula sa kanilang royal duties para manirahan sa Los Angeles.

Binigyang diin nina Harry at Meghan sa kanilang website noong Huwebes na suportado nila ang Ukranian people laban sa tinawag nila bilang “breach of international and humanitarian law.”