Inanunsyo ng health minister ng Ukraine na umabot sa 198 na sibilyan, kabilang na ang tatlong bata, ang napaslang ng Russian forces na umatake sa kanilang bansa.
Bukod rito ay sinabi ni Health Minister Viktor Lyashko sa kaniyang Facebook post na nakapagtala sila ng 1,115 na sugatan, kabilang na ang 33 na bata.
Matatandaan na nagsimula ang Russian invasion noong Huwebes, kung saan ay pinaulanan ng missiles at air strikes ang maraming malalaking lungsod sa Ukraine kabilang na ang kabisera nito na Kyiv.
Samantala, inanunsyo naman ng isang news agency sa Moscow, na napasakamay na ng Russia ang southeastern city ng Melitopol.
Gayunman, duda sa nasabing ulat si Britain armed forces minister James Heappey at sinabi na nasa kamay pa rin ng Ukranians ang nasabing lungsod na tirahan para sa 150,000 katao.
