Kumpyansa si Yordenis Ugas na hindi siya mapapatumba ni Manny Pacquiao sa kanilang pagtutuos para sa WBA welterweight title sa Sabado na gagawin sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.
Ito ay kahit wala pang dalawang linggo mula nang masabihan siya na papalitan niya si WBC at IBF champion Errol Spence sa laban nila ni Pacquiao.
Iginiit ni Ugas na 100-percent niyang natitiyak na hindi siya mana-knock out sa laban.

Ipinunto niya na nagawa niya ang lahat ng trabaho at preparasyon na kaniyang kinakailangan.
Mababatid na inisyal na makakalaban sana ni Ugas sa undercard si Fabian Maidana.
Plano ni Pacquiao na mabawi ang kaniyang status bilang undisputed WBA champion sa kanilang laban ni Ugas kahit hindi na niya maaring makolekta ang WBC, IBF at Ring Magazine titles.
Matatandaan na itinuring ng sanctioning body si Pacquiao bilang “champion in recess” dahil sa kawalan nito ng aktibidad para dipensahan ang kaniyang belt habang si Ugas ay umangat mula sa “regular” papuntang Super champion noong January 2021.
Naging Super champion rin si Pacquiao noong July 2019 matapos niyang talunin si Keith Thurman via split decision.