Virac, Catanduanes—Kasalukuyan pang hinihintay ng Virac Water District ang tugon ng Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes hinggil sa kanilang hiniling na moratorium sa pagbabayad ng P1.4 Million na franchise tax sa Provincial Government.
Ayon kay VIWAD Gen. Manager – Gabriel Tejerero, hinihintay rin kasi nila hanggang sa ngayon na maaprubahan ng Local Water Utilities Administration o LUWA ang proposal na rate increase sa singil ng tubig. Sa ngayon aniya ay hindi pa nila kayang mabayaran ng buo ang nasabing halaga ng franchise tax, kaya’t apela nila sa pamahalaang panlalawigan na bigyan pa sila ng dalawang taong moratorium sa pagbabayad nito.
Samantala, kung sakaling maaprubahan naman ang dagdag singil sa presyo ng tubig, doble dagok rin ang maaaring maidulot nito sa mga member consumers dahil mula sa dating P80.00, tataas sa P125.00 ang magiging minimum rate consumption ng mga konsumidores ng VIWAD.
Matatandaang una nang naglabas ng hinaing at sama ng loob si Tejerero hinggil sa nasabing isyu dahil tanging ang ang pamahalaang panlalawigan lang umano ng Catanduanes sa buong bansa ang naniningil ng franchise tax sa isang water district.
Binantaan na rin ng Provincial Treasury Office ang kanilang pamunuan na kung hindi pa makakapagbayad ng naturang buwis ay mapipilitan silang kumuha ng “Warrant of Distraint and Levy” na magbibigay sakanila ng kapangyarihan na kumpiskahin ang pera sa bangko at mga ari-arian ng VIWAD bilang kabayaran.###
