BNFM SORSOGON–Tubig inumin ang isa sa mga pangunahing kailangan ngayon ng mga residenteng naapektuhan ng pagbuga ng abo ng Bulkang Bulusan sa bayan ng Juban, Sorsogon.
Ayon kay Juban MDRRM Officer Arvee Tee Lodronio, naapektuhan ng abo mula sa bulkan ang bukal na pinagkukunan ng tubig inumin ng mga residente ng Barangay Puting Sapa.
Ang naturang barangay ay isa sa may pinakamaraming residenteng apektado at lumikas dahil sa kapal ng abo na halos pumasok na sa mga kabahayan.
Una na ring namahagi ng facemask at iba pang asistensya ang MDRRMO sa mga apektadong lugar kahapon habang nagdala na rin ng galon galong tubig inumin ang team ng DOH sa mga evacuation centers.

Sa huling tala, 53 pamilya mula sa Barangay Puting Sapa ang inilikas.
Ayon kay Lodronio, maliban sa putik at abo ay matindi rin umano ang amoy ng asupre sa lugar kung kaya kinailangang ilikas ang mga residente dahil sa mga health safety reasons.
Sa ngayon, hindi pa matiyak kung hanggang kelan magtatagal ang mga lumikas sa evacuation center dahil maliban sa mga kailangang linisin ay kailangan ding siguruhin ang kaligtasan ng kalusugan ng mga residente bago sila papayagang makabalik sa kani-kanilang mga tahanan.