CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Health (DOH) na mananatili pa rin ang mga Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) ng mga Local Government Unit kahit pababa na ang mga kaso ng COVID- 19.
Sa isinagawang Talakayan kahapon sa pamamagitan ng Philippine Information Agency (PIA), inihayag ng departamento na bawat lalawigan sa rehiyon ay may mga TTMF at sa katunayan ay mayroon ding ilan pang ginagawa.
Patuloy pa rin daw na nire- require maging ang mga munisipyo na magkaroon ng TTMF kung saan dinadala ang mild at asymptomatic cases ng COVID- 19.
Ang critical at severe cases naman ay dinadala sa ospital.
Katuwang rin umano ng ahensiya ang mga pribadong pasilidad at ospital dahil hindi umano dapat maging kampante kahit pa sa panahon ngayong patuloy ang naitatalang pagbaba ng kaso ng sakit.
Batay sa healthcare utilization rate update ng DOH sa 135 beds na inilaan sa Camarines Norte para sa Covid ay nasa 13 lang sa ngayon ang nagamit o 9.6 % utilization rate.
Patuloy ding pinapaalalahanan ang bawat isa na sumunod sa minimum health standards upang hindi na tumaas pa ang mga naitatalang kaso ng sakit.
