Patay ang isang tsuper matapos aksidenteng mabangga ng police patrol car ang sinasakyan nitong tricycle sa kahabaan ng National Highway sa bahagi ng Bugallon Norte, Ramon, Isabela noong July 7, 2021.
Kinilala ang nasawi na si Feliciano Obra Jr., at residente ng nasabing lugar habang kinilala naman ang tsuper ng patrol car na si PCpl. Archie Butac, 29-anyos at nakatalaga sa 2nd IPMFC na nakabase sa Oscariz, Ramon, Isabela.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLt. Noli Cipriano ang Officer-in-Charge ng Ramon Police Station, binabagtas ng PNP car lulan ang team nila PCpl. Butac patungo sa timog na direction papunta sa bayan ng Cordon upang sunduin ang VIP at ihatid sa IPPO.
Habang binabaybay naman ng tricycle na minamaneho ni Obra ang kasalungat kung saan bigla umano itong lumiko pakaliwa nang walang paunang signal dahilan upang aksidenteng mabangga ng patrol car.
Dahil dito ay nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang biktima na agad namang isinugod sa pagamutan subalit binawian din nang buhay habang nilalapatan ng lunas.
Ayon kay PLt. Cipriano, naghahanda na sila ng posibleng criminal charges laban kay PCpl. Butac na nasa kustodiya ng PNP Ramon.
Gayunman, nagkaroon na rin umano ng paunang pag-uusap ang dalawang panig at handa umanong makipag-areglo ang asawa ng biktima at nakatakdang muling magharap sa himpilan ng pulisya ngayong araw.
Photo/ PNP Ramon