NAGA CITY – Halos naging doble ang kinita ng mga tricycle driver sa Naga City nitong nagdaang Pasko kumpara sa ordinaryong araw, at umaasang tataas pa ang kita ngayong Bagong Taon.
Ito ang napag-alaman ng Brigada News FM Naga kay Sonny Barbosa, ETODA Vice President, taga Brgy. San Felipe, Naga City.
Umabot kasi sa P500.00 hanggang P600.00 kada araw ang naging kita nila ngayong Yuletide Season kumpara sa regular na P300.00 kada araw. Kaya ngayong nalalapit na ang Bagong Taon umaasa sila na sana mas mataas pa ngunit sa obserbasyon ng opisyal posibleng magiging pareho lamang lalo na’t ang ibang mga mananakay ay nasa bakasyon na rin, wala na ring mga pagtitipon o mga Christmas Party, bagamat inaasahan ngayong araw ang dagsa ng mga mamimili problema naman nila ang mabigat na daloy ng trapiko.
Naging panawagan na rin ng opisyal na sana ngayong magbabagong taon na, payagan na silang maging lima ang kanilang pasahero at ibalik na sa dating full capacity nang sa gayon ay tuluyan na rin makabawi lalo na ngayong hindi pa rin stable ang presyo ng gasolina.