Umapela ang transport group na Pasang Masda sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Department of Budget and Management (DBM) na magsagawa ng pagpupulong at agad na lutasin ang anumang natitirang mga isyu sa pagpapalabas ng P6,500 na subsidiya sa gasolina para sa tsuper at operator ng mga pampublikong transportasyon.

Ayon kay Pasang Masda National President Obet Martin sinabi sa kanila ng LTFRB na nagsumite na ito ng mga dokumento para humiling ng kabuuang P2.5-bilyong fuel subsidy mula sa DBM.
Subalit sa naturang budget kasama dito ang mga traysikel drivers na nasa ilalim ng hurisdiksiyon local government units.
Bunsod nito ay naantala umano ang paglabas ng pondo dahil kailangan pang makipag-usap ng LTFRB sa Department of the Interior and Local Government.
Kasabay nito sinabi ng transport group na humiling ito ng P4 fare hike para matulungan ang mga driver na makayanan ang pagtaas ng presyo ng gasolina sa gitna ng Russian-Ukrainian War.