SORSOGON CITY – Inihayag ni ARTA Director General Secretary Jeremiah Belgica na hindi nila iniaasa sa pagiging ISO certified ng isang government agency ang kapasidad nito na magkaroon ng maayos at mabilis na transakyon.
Bagama’t aminado na ito’y nakatutulong, sinabi ng opisyal na ang nasabing sertipikasyon umano ay hindi naman ‘assurance’ na talagang maipatutupad ng isang ahensya o opisina ng pamahalaan ang mahusay na serbisyo publiko.
Aniya, naglipana na rin kasi ang mga pribadong institusyon na nagcecertify kung kaya hindi na rin nila alam kung sino ba ang totoong ISO certified o hindi.
Ito umano ang dahilan kung bakit patuloy pa rin na tinitingnan at binabantayan ng ARTA ang mga nasabing ahensya at hindi sila basta umaasa sa ISO certification.
