Nagreklamo sa Brigada ang isang Tindero na si Jerome Española matapos siyang hampasin ng crispy pata sa mukha ng isang kustomer sa Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City.
Ayon kay Jerome, nangyari ang insidente bandang alas-nwebe ng gabi nitong Miyerkoles sa Market Road, Tiniguiban.
Bago ang insidente, nagtanong-tanong raw ang lalaking suspek kung malinis ang kanilang itinitindang pata at kung maayos ang pagkaluto nito, bagay na sinagot daw ni Jerome ng maayos.
Nagtanong pa raw ito kung bakit malambot ang crispy pata at kung bakit maitim ang mantika na ginamit rito.
Kalaunan ay nagalit na raw ang suspek dahil hindi umano nito nagustuhan ang pagtugon ni Jerome bago siya nito hinampas ng crispy pata sa mukha.
Ang suspek ay nakuhanan ng CCTV camera na bumunot ng baril habang ito ay pinapakalma ng pinsan ni Jerome subalit nagbanta pa umano ito na babalikan sila.
Iginiit ng biktima na naka-inom ng alak ang suspek.
Samantala, nagpa-blotter na sa Police Station 2 ang biktima.