“Three gives” para sa mga bayarin sa basic utility, isinusulong sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity

Inihain sa Kamara ang isang panukalang batas na layong gawing permanente ang installment payment scheme o “three gives” sa mga pangunahing bayarin ng publiko.

Batay sa House Bill 10376 o ang Three Gives Law na inihain nina Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at Quezon City Representative Ralph Tulfo, kasama sa tinukoy na basic utility bills ang kuryente, tubig, internet, cable at telepono.

Sa sandaling maisabatas ay paiiralin ang installment payment scheme o hulugan bilang paraan ng pagbabayad kapag nagdeklara ang Pangulo o nakasasakop na local government officials ng state of calamity.

Ibig sabihin, magpapatupad ng moratorium sa pagbabayad o pangongolekta ng bayarin at pagbabawalan ang service providers na maningil o putulin ang serbisyo.

Pahihintulutan naman ang boluntaryong pagbabayad ng customers.

Nakasaad pa sa panukala na anumang halaga ng bayarin ay maaaring i-settle ng “three gives” o three equal monthly installment nang walang interes, penalty o surcharges.

Paliwanag nina Tulfo, sa mga panahon na problemado sa pera ang taumbayan lalo na kung may tumatamang kalamidad ay mahalagang magkaroon sila ng option sa pagbabayad ng mga bayarin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *