The Wanted’s Tom Parker, pumanaw na dahil sa brain cancer; 33

Pumanaw na si Tom Parker, ang isa sa mga miyembro ng British band na The Wanted, dahil sa sakit na brain cancer.

Ayon sa asawa nitong si Kelsey, pumanaw ang 33-anyos na singer ng payapa, kung saan kasama nito sa tabi niya ang kanyang mga mahal sa buhay.

Nagluluksa naman ang The Wanted members na sina Max George, Siva Kaneswaran, Nathan Sykes, at Jay McGuiness hinggil sa pagpanaw ni Tom.

Matatandaan na noong October 2020, ibinahagi ni Tom sa kanyang Instagram na siya ay nadiagnose na may brain tumor at nasa proseso ng pagsasailalim ng treatment.

Ang The Wanted na nabuo noong 2009, ay kilala dahil sa kanilang mga kanta na “Glad You Came” at “Chasing The Sun,” habang noong Nobyembre, inilabas nila ang “Most Wanted,” na compilation ng kanilang mga biggest hits.