CAMARINES NORTE- Naglagay ng Tax Assistance Center ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mall at business establishment sa lalawigan ng Camarines Norte para matulungan ang mga taxpayer sa paghahain ng kanilang Income Tax Returns.
Ayon kay Assistant Revenue District Officer Daisy De Leon, ang kanilang mga Tax Assistance Center ay matatagpuan sa SM City Daet, Houseware Plaza superstore, New One at LCC Labo.
Nagsimula noong Lunes, March 20 at mananatili umano ang mga ito hanggang sa April 17 sa huling araw ng paghahain ng ITR.
Bukas ang mga ito araw- araw at tinutugunan din nito ang mga katanungan ng taxpayers.
Kaugnay nito ay hinimok ng BIR ang mga taxpayer na hanggat maaari ay mag file at magbayad ng maaga at huwag nang hintayin ang deadline.
Batay sa datos ng Revenue Region No 10, Bicol Region, umabot sa P12. 761, 201, 791.64 ang nakolekta nito noong 2022 o may 3. 81 % na karagdagang koleksyon kumpara sa kanilang target na P12, 292, 370,000.00.
Kahit umano nakaranas ng pandemya ay nalagpasan ang koleksyon dahil sa pakikipagtulungan ng mga taxpayer na makabangon sa pandemya ang pamahalaan at sambayanan.
Umaasa ang BIR Bicol na patuloy ang suporta ng mga Bikolano sa pagbabayad ng tamang buwis.
