SORSOGON CITY – Patay ang isang Barangay Tanod habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos pagbabarilin ng hindi kilalang riding-in-tandem sa Sitio Manangi, Brgy M.R. Espinosa sa bayan ng Milagros, Masbate.
Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng hepe ng Milagros Municipal Police Station na si PMaj Rustom Dela Torre, sinabi nito na dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Joel Ibanes Doguiles, 63-anyos habang sugatan ang asawa nitong si Lorna Raras Doguiles, 64-anyos, Barangay Treasurer at parehong naninirahan sa Brgy Dayao, Mandaon, Masbate.
Nilinaw din ng opisyal na si Ginang Doguiles ay nasugatan dahil sa pagkahulog nito sa motorsiklo at hindi dahil sa tama ng bala.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na habang pauwi na ang mag-asawa lulan ng motorsiklo ay bigla na lamang dinikitan sila ng isang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang salarin at inutusan silang huminto subalit tumanggi ang mga ito kung kaya’t pinagbabaril sila ng back-rider na nagresulta sa pagkasawi ng biktima at pagkasugat ng asawa nito nang matumba ang motorsiklo.
Bago umalis ang mga suspek ay tinangay ng mga ito ang bag ng biktima na naglalaman ng DBP cheques na nagkakahalaga ng mahigit kumulang P100K at P6, 000 na cash.
Kabilang sa tinitingnang anggulo ng pulisya na posible umanong motibo sa pananambang ay robbery hold-up, habang patuloy naman ang follow-up operation upang matukoy ang pagkakilanlan at maaresto ang mga suspek.

