CAMARINES SUR- Matinding init ng panahon ang narasanan noong Abril at ayon sa Copernicus climate monitor ng European Union, pinakamainit ang Abril ngayon 2024 sa kasaysayan.
Sa Camarines Sur , noong Abril 28 umabot sa 49 °C ang heat index. Mainit pa rin ngayong Mayo na umaabot pa sa mahigit 40 °C. Pero ngayon, napapadalas na ang thunderstorms. Papalapit na nag tag-ulan at ngayong ikatlong linggo ng Mayo asahan na ang mga pag-ulan ayon kay Typhoon Specialist Mike Padua, mayroon ding Low Pressure Area ngunit hindi pa masigurado kung magiging bagyo.
Gayunpaman, malaking tulong aniya ang ulan para sa mga pananim na labis na apektado ng El Niño Phenomenon.
Samantala sa Del Gallego, Camarines Sur sinabi ni Engr. Alex Idanan na umabot sa limang ektarya ng high value crops tulad ng kalabasa, sitaw at iba pa ang natuyo ang baging, hindi lumaki ng maayos ang mga bunga. Umabot sa P350,000 ang pinsala kaya malaking tulong aniya ang ulan sa mga nauuhaw na pananim.