KORONADAL CITY — DUMATING sa Tacurong ang dalawang pinaka-unang sub-zero freezers ng lungsod para sa mga Covid-19 vaccines ng Pfizer at Moderna.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay City Information Officer Allan Freno nasa -80 hanggang -60 degree celcius ang temperatura na kailangan para sa mga bakuna ng Pfizer habang -25 hanggang -15 degree celcius naman para sa Moderna vaccines.
Dahil dito, malaki umano ang tulong ng nabanggit na mga freezers upang mabigyan ng alokasyon ang syudad at makapag-imbak ng maraming supply ng bakuna.
Paliwanag ni Freno na umaabot sa 4,000 vials ng bakuna ang maaaring malagay sa bawat freezers.
Napag-alaman na naglaan ng P1.18-million ang city government ng Tacurong para sa pagbili ng naturang mga freezers para sa mga Covid-19 vaccines.
Kaugnay nito, pag-aaralan umano ng lungsod ang mga guidelines kung maaaring magamit ng ibang bayan sa Sultan Kudarat ang nasabing mga freezers para sa kanilang alokasyon ng bakuna.
