KORONADAL CITY- BUBUO ng bagong COVID 19 surge plan ang lalawigan ng South Cotabato bilang paghahanda sa posibleng pagtaas ng kaso ng COVID 19 dahil sa Delta variant.
Ayon kay Governor Reynaldo Tamayo Jr na makikipagpulong ito sa mga miyembro ng South Cotabato Medical Society at mga namamahala sa mga ospital upang mailatag ang mga dapat gawin oras na magkaroon ng surge ng COVID cases
Inihayag din ng gobernador na kailangan ang bagong surge plan dahil posibleng limitahan o hindi na tumanggap ang Soccsksargen General Hospital (SGH) ng mga pasyenteng positibo sa COVID 19 oras na maisalin na ang pamamahala nito sa Department of Health (DOH).
Aniya, posibleng hindi na kayanin ng mga government hospitals sa South Cotabato ang bilang ng mga COVID patients oras na ito ay lumagpas na sa kanilang kapasidad.
Ang SGH ay kasalukuyang ginagamit ng probinsya bilang COVID Hospital at nagpapatuloy ang transition nito upang maturn-over na sa DOH.
