Nararanasan na ng mga mamimili ngayong buwan ng Marso ang itinalagang price adjustment ng Department of Trade and Industry sa Suggested Retail Price ng mga basic necessities and prime commodities sa Lalawigan ng Isabela.
Ito ang kinumpirma ni DTI-Isabela Consumer Protection Division Chief Elmer Agorto sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, noong January 27, 2022 ay nagkaroon na ng price adjustment ang DTI sa mga SRP ng ilang pangunahing bilihin at agad umano itong ipinabatid sa mga business establishment sa lalawigan.
Paliwanag nito, nang maibigay ang bagong SRP ay nagkaroon na rin ng pagsusuri ang DTI Isabela Price Monitoring Team para sa stock at supply ng mga ito at pinayuhan na ubusin ang dating stock bago ipatupad ang bagong SRP na siyang nararanasan ng mga mamimili ngayong buwan.
Ayon pa kay CPD Chief Agorto, mayroong tinatawag na 73 Stock Keeping Unit (SKU) ang nagkaroon ng increase.
Kaugnay dito, mula sa nasabing bilang mayroong 20 SKU ang nagtaas ng 1% – 5% at 43 SKU naman ang nakitaan ng pagtaas na 6% – 10%.
Kabilang sa mga ito ang canned sardines, processed milk, bread, instant noodles, detergent soap, bottled water, candles, processed canned meat at beef.
Isa umano sa dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang nakikitang pagtaas rin ng presyo ng mga raw materials para sa nasabing mga produkto at increase sa trade cost nito.