Sylvia Sanchez, ayaw munang tumanggap ng projects

Inanunsyo ni Sylvia Sanchez na plano nitong magpahinga mula sa showbiz pagkatapos ng ongoing teleserye nito na “Huwag Kang Mangamba”.

Inihayag ni Sanchez sa media conference para sa November 5 finale ng naturang serye na hindi na muna siya tatanggap ng kahit anong acting projects sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon.

Aminado ang aktres na bagamat nagpapasalamat siya sa kaniyang role sa teleserye, ay sobrang na-drain siya emotionally at physically sa kaniyang pagganap sa karakter na si Barang.

Tiwala naman si Sanchez na pagkatapos niyang magpahinga ay meron siyang maipapakitang bago sa mga manunuod sakaling meron mai-offer sa kaniya na bagong role.

Ipinunto naman ni Sanchez na hindi niya pa nagagawang magpahinga simula pa noong 2016, mula nang bumida siya sa family drama series na “The Greatest Love”.