LEGAZPI – Pilit man takasan ang ginawang kasamaan ay wala pa rin kawala sa matatalas na mata at bagsik ng mga kamay ng Albay Kasurog Cops ang isang lalaki na pinaghahanap dahil sa pangmomolestiya ng isang kinse anyos na dalagita taong 2020 sa P-5, Brgy. Fatima, Tabaco City.
Sa rekord na isinumite sa himpilan ng Tabaco at salaysay ng biktima, dakong 11:00 ng gabi noong Nobyembre, 28, 2020, habang mahimbing umanong natutulog ang biktima ay bigla na lamang pumasok sa bahay nila ang kinakasama ng kanyang pinsan at pinagsamatalahan siya.
Subalit dahil sa kanyang labis na pangamba ay hindi agad siya nakapagsumbong kanino man tungkol sa nangyari. Ngunit dahil sa kagustuhang mabigyan ng katarungan ang pangmomolestiya na ginawa sa kanya, nababalot man ng takot ay naglakas loob na rin siyang magsumbong sa kaniyang tiyahin. At agad naman siyang sinamahan ng kanyang tiyahin sa kapulisan noong Disyembre 2020.
Kaya naman sa kagustuhan ng Tabaco CPS na mabigyan ng hustisya ang ginawang kahalayan sa biktima, ay agad din silang nagsampa ng kaso laban sa suspek.Hindi naman nabigo ang biktima at ang naturang himpilan ng pulisya sa kanilang hangarin na mapanagot ang akusado dahil dakong alas 9:00 ng umaga nitong araw ng Miyerkules, Setyembre 1, 2021, ay agad na isinilbi ng mga operatiba ang “Warrant of Arrest” laban kay alyas “Moy”, 42-anyos, binata, isang manggagawa, at residente ng P-5, Brgy. Fatima, Tabaco City.
Sakaling mapatunayan ang akusasyon, maaring makulong ng habambuhay ang akusado dahil walang inerekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang akusado ay naitala bilang Rank 8 Most Wanted Person sa lungsod ng Tabaco dahil sa kasong panggagahasa o “rape,” batay sa nakasaad sa warrant of arrest na ipinalabas ng korte noong Agosto 2, 2021.
Nasa kustodiya na ngayon ng Tabaco CPS ang akusado para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.