NAGA CITY – Mariing itinanggi ng mga sugar at palamig vendor sa Naga City ang pagbenta at paggamit ng magic sugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Brigada News FM Naga sa ilang mga sugar vendor sa lungsod, halos wala sa kanila ang nag-aangkat at nagbebenta ng nasabing asukal. Si nanay Gloria Clores na apat na taon na sa kanyang pwesto, kahit kailan, hindi naisipang kumuha at magbenta ng magic sugar dahil base sa kanyang mga naririnig sa balita, may epekto ito umano sa kalusugan. Tumutugma naman ito sa ipinalabas na pahayag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na maaaring may banta ito sa kalusugan ng mga consumer.
Batay pa sa SRA, karamihan sa mga gumagamit ng magic sugar ay ang mga palamig vendor. Sa panayam naman ng BNFM Naga kay Tess Balondo na kinalakihan na ang pagtitinda ng palamig, aminado siya na noon ay hinahaluan niya ng magic sugar ang paninda dahil mas nakakatipid anya sa paggamit ng asukal at mas nakakabenta ng marami.
Base na rin kay Balondo, bilang matagal na rin sa kanyang puwesto, may mangilan-ngilan pa rin na mga palamig vendor ang naghahanap ng magic sugar. May iilan rin na nagbebenta pa ng nasabing asukal ngunit kakaunti na lamang.