CAMARINES NORTE – Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Mercedes, Camarines Norte dahil sa amihan at shear line na nakaapekto sa kabuhayan ng mga residente sa lugar.
Noong Biyernes, December 1 ay nagsagawa ng Special Session ang Sangguniang Bayan para talakayin ang MDRRMC resolution No. 9, series of 2023 na nagrerekomendang ideklara ang state of calamity sa naturang bayan dahil sa hindi magandang lagay ng panahon na dulot ng amihan at shear line noong mga nagdaang linggo.
Ang Municipal Social Welfare and Development Office ay nagpalabas ng status report na nagrerekomenda para sa resource augmentation at series of interventions para matulungan ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang tulong.
Pinagbasehan din ng deklarasyon ng state of calamity ang isinumiteng report ng Municipal Agriculture Office kaugnay sa mga apektadong mangingisda, business sector at mga magsasaka.
Mababatid na malaking bahagdan ng populasyon sa naturang bayan ay pangingisda ang ikinabubuhay.
Hindi makalaot ang mga ito dahilan para hindi mabili ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain.
Ayon sa Municipal Information Office, sa ngayon ay naghahanda na ang Pamahalaang Lokal para sa pamamahagi ng mga relief goods sa lahat ng Barangay.
Sa kabila naman ng deklarasyon ng state of calamity, inirekomenda ng Sangguniang Bayan na maging maingat sa paggamit ng 30 % Quick Response Fund (QRF) bilang paghahanda na rin sa mga posible pang kalamidad. Tatagal ng tatlong buwan ang state of calamity sa naturang bayan malibang ipag- utos ang maagang pagpapawalng bisa nito.
