BNFM BICOL—Bigong makahingi ang Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes ng ayuda mula sa national government para sa mga residente ng lalawigan na apektado ng umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Catanduanes Gov. Joseph Cua, walang dapat na asahang financial assistance ang mga taga isla mula sa pamahalaang nasyonal, sa loob ng 15 araw na pagsasailalim dito sa nasabing quarantine classification.
Matatandaang tinutulan sana ng Provincial IATF ang naging pasya ng National IATF na isailalim sa MECQ ang probinsya, ngunit hindi napagbigyan ang kanilang apela.
Bunsod nito, malaking suliranin ngayon ng bawat lokal na pamahalaan kung paano tutustusan ang pangangailangan ng mga residente sakanilang nasasakupan lalo na ang mga mahihirap.
Sa ngayon nasa ika-sampung araw na ang Catanduanes sa pagkakasailalim sa MECQ kung saan mas mahigpit na mga COVID-19 restrictions ang ipinatutupad.###