South Korean hospital, gumawa ng contactless COVID-19 testing booth

Nag-upgrade ng COVID-19 testing booth ang isang South Korean hospital kung saan ay gumawa ito ng mobile contactless clinic na pwedeng sumuri sa mga tao at magsagawa ng telemedicine para sa basic treatment.

Sinabi ng Hallym University Sacred Heart Hospital na nag-develop ito ng one-stop clinic para protektahan ang kanilang staff, at mapagaan ang pasanin ng mga ito mula sa pagsusuot ng full-body protective gear sa gitna ng maalinsangang panahon.

Doon ay pumapasok ang mga pasyente sa mga kwarto na otomatikong nagsasara para mabawasan ang pagkalat ng pathogens.

Nakikipag-ugnayan naman ang mga nurses sa mga pasyente sa pamamagitan ng mga bintana na may nakakabit na rubber gloves, habang ang mga doktor naman ay nakikipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng video systems.

Inihayag ni Hallym University Medical Center director Lee Me-yeon na naging mahirap para sa mga pasyente noon na may lagnat at respiratory symptoms na makakuha ng professional treatment.

Anya, kailangan pa kasi nila mag-hintay sa loob ng mahabang oras para magkaroon ng access sa mga doktor habang kailangan rin nilang sumailalim sa isolation.

Ipinunto ni Lee na ngayon ay pwede na nila itong maresolba sa pamamagitan ng video chat.