SORSOGON CITY – Nagpahayag ng kumpiyansa si Sorsogon Governor Francis Escudero na makakamit ng lalawigan ang ninanais na proteksyon ng populasyon laban sa Covid-19 bago matapos ang kasalukuyang taon.
Pahayag ng gobernador na maraming nabigyan ng first dose noong National Vaccination Days na inaasahang mabibigyan ng second dose bago matapos ang taon kung kaya’t makakamit ng lalawigan ang 84.7% fully vaccinated rate para sa populasyon na may edad 12-anyos pataas.
Sa ngayon ay nasa 178,624 na residente na ang ganap na nabakunahan habang 336,971 ang naghihintay na lamang ng kanilang pangalawang dosis.
Pahabol pa ng gobernador, kung ang mahigit 300K na ito ay mabakunahan sa Enero 7, 2022, ang Sorsogon ay tiyak na makakamit ang inaasahang target na 86.15% fully vaccination rate.
