SORSOGON CITY – Naglabas ng saloobin ang isang independent candidate na nanalo sa pagkakonsehal sa lungsod ng Sorsogon nitong nakalipas na halalan dahil sa tila malamig na pagtanggap sa kanya ng mga kasamahan sa konseho.
Sa unang regular session na ginanap, inihayag ni Bacon District Representative City Councilor Atty. Glenn Olbes na tila hindi siya ‘belong to the group’ ng mga nanalong kandidato base sa kanyang obserbasyon at sa pakikitungo umano sa kanya ng ibang konsehal.
Anya, batid niya na wala siyang partido noong halalan kumpara sa lahat ng nanalo na halos ay dati na umanong magkakasama sa konseho.
Kaya panawagan nito sa lahat ng mga konsehal na ituring siyang bahagi ng 8th City Council dahil hangad nya rin umano ang ikabubuti ng kanyang distrito. Mas magagawa niya rin umano ito kung susuportahan siya ng mga kasamahan niya sa konseho.
