SORSOGON CITY – May basbas na mula sa mismong gobernador ng Masbate na si Antonio Kho ang pagpuksa ng anumang uri ng illegal fishing activity sa buong lalawigan ng Masbate.
Kasalukuyan ng binubuo ng Masbate PNP sa pamumuno ni Provincial Director Pcol. Rolly Albaña ang isang task force na magbabantay sa karagatan ng probinsya.
Ang task force ay bubuuin umano ng hanay ng pulisya at mga kinatawan mula sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno katulad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, Department of Justice kabilang din ang mga miyembro ng tri-media ng lalawigan na kakatawan sa non-government organization.
Partikular na pinapatigil ng gobernador ang lahat ng uri ng pamamalakaya na gumagamit ng iligal sa pangingisda lalo na ang malalaking barko o ang mga commercial fishing boat na gamit ng mga dayuhang mangingisda na halos araw-araw at gabi-gabi ay nasa karagatan na sakop ng lalawigan.
Mababatid na ang nasabing mga commercial fishing boat ang inirereklamo ng mga maliliit na mangingisda sa lugar dahil winawasak umano nito ang mga coral reef na nagsisilbing pangitlugan ng mga isda.
