Binigyang-diin ni Senadora Nancy Binay na napakaimportante sa kanya ang pagkakaroon ng isang salita at courtesy sa relasyon na mayroon siya sa mga kapwa niya senador.
Alinsunod nito, inamin niyang nadismaya siya sa biglaang pagpapalit ng liderato nitong Lunes.
Anya, batid naman niyang hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng planong coup d’etat o pagpapatalsik kay dating Senate President Migz Zubiri matapos ang ilang beses ng pag-ugong nito sa Senado.
Kung saan, isa sa mga naging ispekulasyon dati ay si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang papalit kay Zubiri sa pwesto na di kalaunan ay humupa rin.
Ani Binay, kung ganito pala ang mangyayari ay sana maaga pa lang ay nanghingi na ng pasensya sa kanila si Senador Ronald Bato Dela Rosa dahil mas madali pa umano sila makaka-move on sa paraan na ito kumpara sa ginawa nitong panghingi ng tawad pagkatapos ang pangyayari.
Samantala, ibinahagi naman din ng senadora na mula sa dating ‘Magnificent 7’ o ‘Magic 7’ na tawag sa kanilang grupo nila Zubiri ay pinalitan na nila ito ‘Solid 7’.