Slice ng cake sa kasal nina Princess Diana at Prince Charles naibenta sa halagang $2,500

ENGLAND—40 taon na ang nakakaraan pero kagaya ng pagkaka preserve nito ay napreserve din ang halaga ng wedding cake nina Princess Diana at Prince Charles.

Naibenta pa kasi sa halagang $2,565 sa isang auction ang kapiraso ng nasabing cake kung saan ang private collector na si Gerry Layton mula sa Leeds, England ang bumili nito mula sa Dominic Winter Auctioneers sa Cirencester.

Tumitimbang ng 28 ounces ang piraso ng cake na nakasilid sa isang plastic wrap at cake tin. Tampok sa disenyo nito ang coat-of-arms na nilagyan ng decorative icing.

Kinuha ang pirasong ito sa isa sa 23 official cakes na ginawa para sa royal wedding at ibinigay umano ito sa isa sa mga empleyado ng Queen Mother at Clarence House na si Morya Smith.

Ibinenta naman ito ng pamilya Smith noong 2008 sa Dominic Winter Auctioneers.

July 29, 1981 nang ikasal sina Princess Diana at Prince Charles sa St. Paul’s Cathedral sa London. || Shiela Madrigalejos