Sinovac shot, hadlang sa pakikipagkita ni Aira Bermudez sa asawa na nasa Australia

Inilahad ng SexBomb dancer na si Aira Bermudez na plano niyang manirahan sa Australia “for good” oras na mapayagan na siyang makaalis ngayong 2021.

Nakabase sa Adelaide, Australia ang asawa ni Bermudez na si Ronald Inovero, ngunit dahil sa pandemya ay dalawang taon na silang hindi nagsasama.

Sa ngayon ay namomroblema si Aira sa kung papaano siya makakalipad patungong Australia, dahil ang bakuna na kaniyang natanggap na Sinovac, ay hindi pa rehistrado sa nasabing bansa.

Natanong na rin nyia sa mga otoridad kung pwedeng iba ang iturok sa kaniya para sa second dose, ngunit hindi ito pinayagan.

Dahil diyan ay sinabi ni Aira na maghihintay muna siya ng anim na buwan para makatanggap ng booster shot ng brand na aprubado ng Australya.

Samantala, naikwento naman ni Aira na ang asawa niya ngayon ay ang kaniyang first boyfriend, at limang buwan lamang sila nagsama bago sila ikinasal.

Inihayag rin ni Aira na puppy love niya ang kaniyang mister, at noong naging sila, ay walang ligawan ang nangyari.

Ipinunto niya na sa Australia sila ikinasal, at matapos lamang ng isang buwan ay kinailangan niyang bumalik sa Pilipinas dahil sa trabaho.