CAMARINES NORTE- Sasalubungin na naman ng mataas na bayarin sa kuryente pagpasok ng buwan ng Hulyo ang mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative.
Batay sa anunsiyo ng naturang kooperatiba ng kuryente sa pamamagitan ng kanilang official social media account nitong Miyerkules, tumaas ang billing rates na babayaran para sa June 2022 billing ng Php0.4579 per kWh.
Ang residential rate ay Php13.7240 per kWh kumpara sa Php13.2661 per kWh noong nakaraang May 2022 billing.
Ang low voltage rate ay Php12.7705 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php11.0390 per kWh.
Paliwanag ng CANORECO na ang pagtaas na ito ay bunsod ng pagtaas ng Blended Generation Charge na Php7.9443 per kWh na tumaas ng Php0.3840 per kWh kumpara noong nakaraang May 2022 billing na Php7.5603 per kWh.
Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa gasolina o Fuel Cost na isang pass-on charge na binayaran sa power supplier na Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng May 2022.
Ang nasabing pass-on charge ay tumaas ng 5.41% dahil sa mas maraming paggamit ng mas mahal na coal upang makabuo ng enerhiya.
Nanatili rin umanong mataas sa Php5.6407 ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) matapos ipataw ng dalawang beses ang Secondary Price Cap noong nakaraang supply month sanhi ng pagnipis ng mga reserbang kuryente dahil sa mas mataas na demand.
Bahagya namang tumaas ang System Loss Charge at ang Value Added Tax (VAT) Charges.
Samantala, bahagya namang bumaba ang Generation Rate Adjustment Mechanism (GRAM)/Incremental Currency Exchange Rate Adjustment (ICERA) ng Php0.0093 per kWh at ang Transmission Charge ng Php0.0054 per kWh.
Ang Generation Charge ay nagbabago kada buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
