LEGAZPI CITY – Isinagawa ngayong araw, Marso 20, ng Albay Police Provincial Office (PPO) ang kanilang simulation exercise kasama ang mga tauhan mula sa iba’t ibang mga yunit.
Sa panayam ng Brigada News FM kay Albay PPO spokesperson, Police Capt. Kharren Rañola, sinabi niyang ang naturang aktibidad ay isang inisyatibo ng nasabing tanggapan, at maraming pwersa ang katuwang na kinabibilangan ng lahat ng mga Chief of Police ng lahat ng mga himpilan ng pulisya sa lalawigan, SWAT team, SOCO, CIDG, BFP at iba pang mga allied forces na tumutulong magresponde kung mayroong mga kritikal na mga insidente.
Aniya, layunin nitong siguruhin at suriin ang kahandaan ng Albay PPO maging ng iba pang pwersa sa pagresponde at pagbibigay ng disposisyon sa mga kritikal na insidente, katulad ng pagdami ng kaso ng mga pagpatay ng mga lokal na opisyal sa ibang lugar, lalo pa’t nalalapit na naman ang barangay at SK elections.
Maliban pa rito, naglalayon din itong palakasin ang pagkakaisa sa pagitan ng bawat pwersa.
Regular umanong isinasagawa ang simulation exercise, kaya lamang ay ngayon lamang ito binuksan para sa publiko upang personal na masaksihan ang mga procedures sa pagresponde.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Rañola ang lahat na huwag maalarma sapagkaty “role play” lamang ang kanilang isinagawa.