LEGAZPI CITY – Iginiit ng Legazpi City Police Station (CPS) na disiplina at pagiging responsableng motorista pa rin ang pinakamabisang paraan upang masolusyunan ang mabigat na daloy ng trapiko sa lunsod tuwing rush-hours.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Police Capt. Henry M. Napili, Jr. ng nasabing himpilan, iginiit niyang ang mga motoristang pumaparada sa kung saan-saan ang madalas na nagiging dahilan ng kailan uwian na ng mga mag-aaral.
Ayon pa sa kanya, batay sa kanilang monitoring ay kahit isang minuto lamang na may maling nakapararadang sasakyan sa gilid ng mga kalsada, kaya na nitong magdala ng napakahabang trapiko.
Samantala, nanawagan naman si Napili sa mga may-ari ng mga sasakyan, mapapribado man o pampubliko, na sikaping huwag makaabala sa ibang motorista sa tuwing sila ay magpaparada ng mga sasakyan.
Dagdag pa niya, hindi naman mahirap ang maghanap ng maayos na mapaparadahan na hindi makakaabala sa iba.
Ayon pa kay Napili, sa ngayon, may ginagawa silang Traffic Management System, kung saan, maglalagay sila ng mga tauhan ng PNP, PSO at mga CCTV camera sa mga kalsada ng lunsod at isa rin sa mga pinupuntirya nila ay ang no-contact apprehension sa mga violators na nagiging dahilan ng trapiko. | JEFFREY ALTAVANO