Simbahan kailangang makasabay sa hamon ng makabagong panahon- Bp Alarcon

CAMARINES NORTE- Aminado si Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon na maraming kailangang baguhin at panibaguhin sa loob ng simbahang katolika upang hindi ito maging stagnant.

Sa kaniyang homily sa ika- 48 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Diocese of Daet at ika -38 taong anibersaryo ng pagtatalaga ng Cathedral of the Most Holy Trinity nitong Huwebes, Setyembre 1, sinabi nito na sa gitna ng mga pagbabago sa mundo ay tinatawag ding magpanibago ang simbahan.

Ayon kay Bishop Alarcon kung nitong mga nagdaang taon ay tila hindi “programmatic” ang galaw ng lokal na simbahan, ngayon, sa ikalawang taon ng paghahanda sa Diocesan Golden Jubilee ay naka programa na ang mga kilos bilang isang simbahan.

Aniya marami nang nagbago sa mundo at hindi na lamang ang tinig ng simbahan ang naririnig dahil na rin sa makabagong teknolohiya.

Kapansin- pansin umano na humihina na ang tinig ng magulang sa kanilang mga anak at ng mismong simbahan at mas malakas pa ang ingay ng social media.

Read More:  14-year-old PWD dies in Cebu house fire

Sa gitna ng mga pagbabagong ito ay tiniyak ng Obispo na ang simbahang sinodal ay nakikinig at sinisikap na ang mga pagpapasya ay maging “consultative” at participative.”

Sa katunayan ay sinimulan na umano niya ito sa hanay ng mga pari kung saan hindi lang ang Obispo ang nagdedesisyon.

Ito umano ang dahilan kung bakit pinalawak ang membership sa Board of Consultors, binuo ang cluster ng age group ng mga kaparian at binuhay ang presbyteral council.

Patuloy din umanong pinasisigla ang Board of Trustees ng mga Catholic Schools upang hindi lamang sa Director ng eskwelahan ang mga pagpapasya at pagbibigay ng direksyon kasama na ang mga orphanage.

Ang Diocese of Daet ay itinatag noong September 1, 1974 sa bisa ng Apostolic Constitution “Requirit Maximopere” ni Pope Paul VI na naghiwalay dito sa Archdiocese of Caceres.

Read More:  P136-M shabu hidden in Chinese tea bags seized in Cebu

Ang tubong Jose Panganiban na si Bishop Celestino  Enverga ang itinalagang kauna- unahang Obispo ng Daet

Sa kaniyang pagkamatay noong 1990 ay pumalit si Bishop Benjamin Almoneda hanggang sa ito ay magretiro noong 2007.

Sa pagreretiro ni Almoneda, ay itinalaga  bilang ikatlong Obispo ng Diocese ang tubong Magarao, Camarines Sur na si Bishop Gilbert Garcera noong June 2007.

Pero sa ika- sampung taon ni Garcera bilang pastol ng Diocese of Daet ay itinalaga ito ni Pope Francis bilang Arsobispo ng Lipa sa Batangas.

Dahil dito dalawang taon ding “sede vacante” ang Diocese of Daet hanggang sa noong Enero 2019 ay maitalaga ang noo’y Father Alarcon mula sa Archdiocese of Caceres.

Marso 2019 ay inordinahan at pormal na nagsimula ng kaniyang ministeryo sa Daet si Alarcon bilang ika- apat na Obispo hanggang sa kasalukuyan.