KORONADAL CITY- MAGTIWALA sa bakuna laban sa COVID 19. Ito ang panawagan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga mamamayan sa kanyang pagbisita sa bayan ng Tupi, South Cotabato.
Ayon kay Senator Go na kailangang magpabakuna upang maabot ng Pilipinas ang herd immunity.
Binigyang diin ng senador na tanging bakuna lamang ang solusyon upang makapanumbalik ang lahat sa normal na pamumuhay.
Sa kasalukuyan, nasa 8.4 million na ayon kay Senator Go ang nabakunahan sa buong bansa at ito aniya ay magpapatuloy kasabay ng pagdating ng dagdag at mas maraming supply ng COVID 19 vaccines.
Inihayag din ng opisyal na iniutos na ni Presidente Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng prayoridad sa alokasyon ng bakuna sa mga probinsya na may mataas na kaso ng COVID 19.
