Inamin ni dating Senate Committee on Public Services, chairperson, Senadora Grace Poe na wala silang kapangyarihang magpatupad ng batas hindi tulad ng sangay ng ehekutibo.
Kung kaya’t pagdating sa isyu ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), maari lang nilang pairalin ang kanilang oversight function.
Bagamat hindi umano sila mga eksperto, sinabi ni Poe na malinaw namang makikita na magulo pa ang plano sa PUVMP lalo na’t wala pang kumpletong ruta para rito.
Kasunod nito, nanawagan siya sa Department of Transportation (DOTr) na ayusin muna ang kanilang mga plano bago ito tuluyang ipatupad. Samantala, nilinaw naman niyang suportado nilang mga mambabatas ang modernisasyon at mainam din umano kung magkakaroon ng pag-uusap ang transport sectors at si Senate President Chiz Escudero hinggil dito.