Inirekomenda ng Senate Blue Ribbong Committee ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal ang ilang opisyal ng Department of Agriculture at Sugar Regulatory Administration na dawit sa naunsiyaming pag-import ng 300,000 metric tons ng asukal.
Batay sa committee report no. 3 pinakakasuhan sa Ombudsman sina dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, former SRA Administrator Hermenigildo Serafica, SRA board members Atty. Roland Beltran at Aurelio Gerardo “Bodie” Valderrama Jr.
Batay umano sa isinagawang pagdinig nakitaan ang naturang mga opisyal ng paglabag sa ilang administrative offense katulad ng serious dishonesty, grave misconduct, gross neglect of duty at gross insubordination.
Maliban dito lumabag din umano ang mga ito sa Anti-graft and corrupt practices act, Anti-agricultural smuggling act at Usurpation of official functions kaya din itong masampahan ng kasong kriminal.
Ipinag-utos naman ni Senate Blue Ribbon committee chairman Sen. Francis Tolentino sa committee secretary na agad na ipadala ang kopya ng kanilang rekomendasyon sa Ombudsman at Department of Justice para sa agarang pagsasampa ng mga kaso sa SRA officials.
