Iimbestigahan ng Senate Committee on Energy ang pagbaebenta ng Royal Dutch Shell ng shares nito sa Malampaya natural gas field ng Pilipinas sa Udenna Corporation.
Sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian sa nakalipas na hearing na walang technical expertise ang kompanya ni Dennis Uy para pangunahan ang operasyon ng multibillion dollar deep water gas-to-power project.

Iginiit ng senador na ipatatawag muli nila ang DOE upang maging malinaw sa publiko kung ano ang criteria para rito at kung competent at malakas ba financially ang susunod na operator.
Matatandaan na sinabi ng Shell na babayaran ng subsidiary ng oil at shipping firm na Udenna Corporation ang $380-million para sa 45% operating interest sa gas field, at hanggang $80-million sa pagitan ng 2022 at 2024 na nakadipende sa asset performance at commodity prices.
Dahil sa naturang transaksyon ay umakyat na ang total shares ng Udenna sa Malampaya sa 90%
Una nang nabili ng Udenna ang 45% stake ng US oil giant na Chevron noong 2019.