CAMARINES NORTE- Isasagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang second visit ng Family Income and Expenditures Survey (FIES) ngayong Enero.
Gagawin ang survey sa Enero 10- 31 upang mangolekta ng datos patungkol sa kinukunsumo ng mga tao na mga food at non- food items kasama rin ang mga serbisyo.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet ipinaliwanag ni Chief Statistical Specialist Maria Dulce Padayao na mahalaga ang FIES dahil ito ang pinagbabasehan ng pag determina ng poverty at income level ng mga tao.
Dito rin aniya nakikita kung anong mga commodity ang karaniwang kinukunsumo ng mga tao na nagsisilbi namang basehan ng market basket ng probinsiya.
Ang market basket ang binabasehan naman kung ano ang nagyayari sa inflation.
Ang FIES ay isang nationwide survey of households na ginagawa kada tatlong taon.
Magbibigay din ito ng benchmark information para ma- update ang bigat na ginagamit sa pagtaya ng estimation of Consumer Price Index.
Ang survey ay mayroong mahigit 1, 500 na sample mula sa iba’t- ibang panig ng lalawigan at ang basehan ng sampling ay ang census.
Mayroon na itong draw samples at ibinibigay sa Field Office para puntahan at ang mga respondents ay mula sa iba’t- ibang estado ng pamumuhay.
Noong Lunes, Enero 3 ay sinimulan ang training sa mahigit 50 enumerators na tatagal hanggang Enero 8 ng taong kasalukuyan.
“Ang FIES po, yan po yung nangongolekta kami ng mga datos patungkol sa kunsomo ng mga tao like yung, mula sa asin, asukal, mga sangkap sa pagluto, yung shampoo, yung kinakain mong kung ano- ano, mga food and non- food and even services,” ani Padayao.
“Kumukuha po kami diyan ng mga datos na yan kung sila ay nagkunsomo sa period na July- December, ang magiging sample respondents po dito ay siya ring naging sample respondents mula January- June para makumpara yung consumption nila sa dalawang period na yun.”
