SDO Camarines Norte hinimok ang paggamit ng wikang Filipino sa mga paaralan sa lahat ng pagkakataon

CAMARINES NORTE – Hinimok ng Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan sa Camarines Norte o Schools Division Office ang mga paaralan, mga guro at mga mag- aaral na tangkilikin at paigtingin ang paggamit ng wikang Filipino sa lahat ng pagkakataon.

Batay sa Memorandum Pansangay bilang 140 s.2023 na may petsang Setyembre 11, 2023 na ipinalabas kahapon ni Schools Division  Superintendent Crestito Morcilla, gagamitin ang wikang Filipino hindi lang tuwing buwan ng Agosto o buwan ng wika kundi maging sa mga programa sa buwanang selebrasyon at iba pang gawain sa paaralan.

Alinsunod umano ito sa Batas Republika bilang 7104 o ang batas sa pagtatag ng Komisyon ng wikang Filipino, ang opisyal na lupong tagapamahala ng wikang Filipino at opisyal na institusyon na inatasan sa paglilinang,  pagpre- preserba at pagtataguyod ng iba’t- ibang wika sa Pilipinas.

Ang hakbang na ito ayon kay Morcilla ay bilang pakikiisa sa tunguhin ng Komisyon ng Wikang Filipino.

Umaasa ang opisyal na lahat ng mga kabataang CamNorteno, mga guro at mga pinuno ng paaralan na bilang Pilipino ay malugod na tatangkilikin at paiigtingin ang paggamit ng wikang Filipino upang mapanatili ang ating wikang pambansa.

Hiniling rin ng Pansangay na Tagapamahala ng mga Paaralan na lubusang maipatupad ang nabanggit na memorandum simula 2023.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *