Tahasang tinawag ni Vice President Sara Duterte na pag-atake laban sa kanya ang pagdinig ng Kamara ukol sa umano’y pambabastos at hindi nito pagsagot sa mga tanong noong budget hearing.
Sa pagharap ni Duterte sa imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, iginiit niyang hindi ito ordinaryong legislative inquiry kundi isang pinondohan at coordinated political attack.
Malinaw aniya na ang nilalaman ng privilege speech na siyang ugat ng pagdinig ay huwag siyang iboto sa halalan sa 2028.
Ipinunto rin ni VP Sara na ang imbestigasyon ay hindi patungkol sa misused funds, accountability o governance kundi paninira sa kanyang pangalan at opisina upang mapigilan ang “political contests” sa hinaharap.
Naipaliwanag na umano ng pangalawang pangulo ang rason kung bakit pinili niyang huwag nang idepensa ang budget ng Office of the Vice President sa 2025.
Bukod dito, idinagdag ni Duterte na inisa-isa na niya ang mga isyung hinarap na kung tutuusin ay madaling makumpirma kung titingnan lang ang National Expenditure Program at General Appropriations Act.