Itinuturing ni Senadora Nancy Binay na isang malaking tulong sa gobyerno ang pagkalma ng panahon upang masiyasat ang mga naging mali sa polisiya na siyang nagresulta sa matinding pananalasa ng Bagyong Carina sa bansa.
Kasunod ito sa mga naging pagbaha mula lampas tuhod hanggang lampas tao sa Metro Manila, Pampanga, Bulacan at sa iba pang lugar ng Pilipinas.
Kwento ni Binay, dahil sa naging hagupit ng Bagyong Ondoy noong 2009 ay agad naman silang nagpatupad ng mga hakbang para labanan ang climate change at maiwasan ang parehong sitwasyon.
Kung kaya’t nakakaalarma umano na tila hindi naipatupad ng maayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang flood control program sa kabila ng naging pagpondo rito.
Dahil dito, sinabi ni Binay na dapat lang magkaroon ng reevaluation sa mga kasalukuyang polisiya at programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) , Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), DPWH, MMDA at iba pang ahensyang konektado rito.
Dagdag pa niya, kailangan ding panagutin sa ilalim ng batas ang mga taong naging dahilan ng matinding pagbaha sa bansa.